-- Advertisements --

Dahil sa nagbabadyang panganib na dala ng Tropical Depression “Ada,” sinuspinde ng Philippine Coast Guard (PCG) ang lahat ng paglalayag at biyahe ng anumang uri ng sasakyang-pandagat at watercraft sa probinsya ng Eastern Samar.

Ang agarang suspensiyon na ito ay ipinatupad bilang pag-iingat sa kaligtasan ng publiko, lalo na ng mga manlalayag at mga residente sa mga baybaying lugar.

Kaugnay nito, mahigpit na pinapayuhan ang lahat ng mga operator at may-ari ng sasakyang-dagat na maging mapagmatyag, mag-ingat, at regular na subaybayan ang mga ulat at abiso tungkol sa Tropical Depression “Ada.”

Ang suspensiyon ng mga biyahe ay mananatili at ipatutupad hanggang sa susunod na abiso mula sa PCG at state weather bureau , at hanggang sa bumuti ang lagay ng panahon sa Eastern Samar at sa mga kalapit na lugar.

Gayunpaman, mayroon ding probisyon para sa mga sasakyang-dagat na nangangailangan ng proteksyon mula sa bagyo.

Pinapayagan ang mga sasakyang-dagat na humanap ng masisilungan o ligtas na daungan kung mayroong nakasulat na kahilingan mula sa kapitan ng barko, at kung ang sasakyang-dagat ay walang sakay na pasahero o kargamento.

Ito ay upang matiyak na walang madaragdag na panganib sa buhay o ari-arian sa proseso ng paghahanap ng masisilungan.