-- Advertisements --

Ikinalungkot ng City Government of Cagayan de Oro ang pagkamatay ng apat na miyembro ng isang pamilya at pagkakasugat ng dalawa pa sa pagdaan ng Bagyong Basyang sa Northern Mindanao.

Kinumpirma ni Nick Jabagat, manager ng City Disaster Risk Reduction and Management Department ng Cagayan de Oro, ang masaklap na sinapit ng pamilya Lariosa na natabunan ng gumuhong lupa ang kanilang bahay sa Gabule Compound, Sambulawan, Brgy. Agusan ng lungsod kagabi.

Ayon kay Jabagat, agad ipinag-utos ni City Mayor Rolando Uy na aasikasuhin ang mga labi ng mga biktima, kabilang ang isang 12-anyos at isang 11-buwang gulang na sanggol.

Salaysay ng opisyal, matutulog na sana ang mga biktima nang biglang gumuho ang lupa at bumagsak sa kanilang bahay na naging sanhi ng trahedya.

Magugunitang maliban sa nasawi na sina Yasmeen (11 months old) at Yami (12 years old), nabawian rin ng buhay sina Paul Lariosa at Ruffa Lariosa na kapwa nasa hustong gulang.

Bukod sa mga nasawi, sugatan rin sina Andi at Bril na parehong menor de edad sa naturang landslide.

Napag-alaman na kabilang ang Cagayan de Oro City at Misamis Oriental sa mga lugar na binuhusan ng malakas na ulan dulot ng Bagyong Basyang, dahilan upang kanselahin ang trabaho sa lahat ng government offices at suspendihin ang klase ng mga mag-aaral.