-- Advertisements --

Magsasagawa ng nationwide transport holiday bukas, Lunes, Marso 23, 2026, ang Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO) at iba pang transport groups bilang protesta sa malakihang dagdag-presyo ng produktong petrolyo.

Ayon kay Libay de Luna, presidente ng ACTO, “Talagang hindi namin kakayanin na. Kaya kami sa Lunes, magta-transport holiday kami nationwide,” bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina at diesel na nagpapahirap sa mga tsuper at operator.

Batay sa pinakahuling datos, tumaas ng hanggang P23.90 kada litro ang diesel at P16.60 kada litro ang gasolina ngayong linggo, dulot ng tensyon sa Gitnang Silangan na nakaapekto sa pandaigdigang suplay ng langis.

Dahil dito, inaasahang maaapektuhan ang biyahe ng jeepney, UV Express, at modernized transport units sa Metro Manila, Northern Mindanao, at Iloilo City, kung saan nakahanda ang mahigit 50 transport cooperatives na makiisa sa tigil-pasada.

Bukod sa protesta laban sa oil price hike, iginiit ng ACTO na hindi sapat ang fuel subsidy at dismayado sila sa pagkaantala ng P2 fare hike na dapat sana ay ipinatupad ngayong Marso.

Samantala, pinag-aaralan ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbibigay ng kapangyarihan sa Pangulo na suspindihin ang excise tax sa petrolyo upang maibsan ang epekto ng mataas na presyo ng langis.

Inaasahan ang matinding abala sa pampublikong transportasyon bukas, lalo na sa rush hours, kaya pinapayuhan ang mga commuters na maglaan ng mas mahabang oras sa biyahe at maghanap ng alternatibong paraan ng transportasyon.