-- Advertisements --

Umabot na sa pito ang bilang ng mga nasawi at pito rin ang sugatan matapos manalasa ang bagyong Basyang sa Northern Mindanao.

Ayon kay Director Antonio Sugarol ng Office of the Civil Defense (OCD) Region 10, apat na katao ang kumpirmadong namatay dahil sa pagguho ng lupa sa Barangay Agusan, Cagayan de Oro City.

Sa tala ng mga sugatan, dalawa ay mula sa Cagayan de Oro, tatlo sa Gingoog City, at dalawa sa Iligan City.

Isa naman ang iniulat na nawawala sa Tagoloan, Lanao del Norte.

Samantala, unang iniulat ng Public Information Officer ng Iligan City Police Office sa Bombo Radyo Cagayan de Oro na tatlo ang nasawi sa kanilang lungsod, ngunit hindi pa ito nakumpirma ng OCD-10.

Kabilang dito ang isang mamamahayag na inatake sa puso nang bahain ang kanilang tahanan, at dalawang bangkay na narekober mula sa ilog.

Sa kabuuan, higit 40,000 pamilya ang naapektuhan ng bagyo sa Northern Mindanao.

Ang mga ito ay nabigyan ng food at non-food items mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).