-- Advertisements --

Nagpasalamat ang anim na gobernador kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ipinagkaloob na milyun-milyong pisong ayudang pinansyal para sa libu-libong naapektuhan ng Tropical Storm Basyang.

Sa joint statement, sinabi nina Gov. Pamela Baricuatro (Cebu), Gov. Arthur Defensor Jr. (Iloilo), Gov. Ralph Vincent Evardone (Eastern Samar), Gov. Johnny Pimentel (Surigao del Sur), Gov. Erico Aristotle Aumentado (Bohol), at Gov. Jose Enrique Miraflores (Aklan) na malaking ginhawa ang agarang tulong ng Pangulo sa kanilang mga nasasakupan.

Gagamitin ang pondo para sa relief operations, pagkukumpuni ng mga nasirang bahay, kalsada, tulay at iba pang imprastraktura, at iba pang pangangailangan ng mga apektado. 

Nangako rin ang mga lalawigan na dadagdagan ito mula sa kanilang lokal na pondo.

Nauna nang iniutos ng Pangulo ang pagpapalabas ng kabuuang P321 milyon para sa 34 lalawigan at walong lungsod na naapektuhan ng bagyo at shear line. 

Inatasan niya si Executive Secretary Ralph Recto na tiyakin ang agarang pagpapalabas ng pondo.

Pinuri rin ng mga gobernador ang mas pinaigting na pakikipag-ugnayan ng administrasyon sa mga LGU, kabilang ang nilagdaang kasunduan sa pagitan ng Department of Education at Department of the Interior and Local Government para sa konstruksyon ng mga silid-aralan.

Noong Pebrero 11, matapos ang paglagda sa memorandum of agreement ng DepEd at mga partner LGU, pinulong ni Pangulong Marcos ang mga gobernador mula sa mga lalawigang pinakaapektado ng Basyang upang tiyakin ang mabilis at maayos na pagtugon ng pamahalaan.

Sa pulong na dinaluhan din ng mga miyembro ng Gabinete, iniutos ng Pangulo ang agarang pagpapalabas ng disaster funds, pagpapabilis at pagpapasimple ng distribusyon ng ayuda, agarang pamamahagi ng binhi sa mga magsasaka, at pinaigting na river-clearing operations upang maiwasan ang pagbaha sa hinaharap.