-- Advertisements --

Pinuri ni Taguig City Mayor Lani Cayetano ang mga opisyal at tauhan ng Philippine National Police Drug Enforcement Group (PDEG) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) matapos ang matagumpay na anti-illegal drugs operation na nagresulta sa pagkakaaresto ng dalawang high-value target at pagkakasamsam ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng mahigit P1 million.

Sa isang pahayag nitong Martes, sinabi ni Mayor Cayetano na isinagawa ang joint operation noong January 31,2026 sa Earth Street, Barangay Napindan, Taguig City.

Ayon sa alkalde, dakong 8:20 ng gabi nang isagawa ng PDEG at PDEA ang buy-bust operation kung saan nasamsam ang humigit-kumulang 150 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P1,020,000.

Ikinalugod ni Cayetano ang tagumpay ng operasyon na bahagi sa mas malawak na layunin ng lungsod na mapanatili ang kapayapaan at kaayusan.

“Peace and order allows communities to thrive and services to reach our people faster. We commend our police officers and partner agencies for their vigilance and teamwork as we build a Transformative, Lively, and Caring City,” wika ni Mayor Lani Cayetano.

Samantala, sinabi naman ni Taguig City Police Station chief Col. Julius Añonuevo na ang operasyon ay patunay ng epektibong intelligence-led policing at mahigpit na koordinasyon mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.

“ This successful buy-bust shows how coordinated operations and timely information disrupt drug supply activities. Taguig police will keep working with national units to protect our communities,” pahayag ni Col. Añonuevo. 

Dinala ang mga naarestong suspek at mga nasamsam na ebidensya sa Camp Bagong Diwa, Taguig City para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon.

Isasailalim naman sa pagsusuri ng PNP Forensic Group ang hinihinalang ilegal na droga habang nagpapatuloy ang mga imbestigador sa follow-up operations.