-- Advertisements --

Nag-protesta ang ilang grupo sa isang gasolinahan sa Cubao, Quezon City kasabay ng malakihang pagsipa ng presto ng mga produktong petrolyo epektibo ngayong Martes, Marso 10.

Ayon sa Vice Chairperson ng grupong Pamalakaya, na si Ronnel Arambulo, malaki ang epekto sa mga mangingisda ang patuloy na pagtaas ng presyo ng petroleum products.

Sa katunayan aniya, binawasan na nila ang oras na sa pamamalaot mula anim hanggang sa walong oras, at ginawang apat na oras na lamang bunsod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Gayundin, parehong krisis ang dinaranas ng mga magsasaka. Ayon kay Kilusang Magbubukid ng Pilipinas Secretary General Ronnie Manalo, pangunahing apektado ang mga magsasaka sa pagsipa ng presyo ng petrolyo dahil matinding nakadepende ang modernong pagsasaka sa langis para sa kanilang mga machinery at para sa transportasyon.

Iginit naman ng grupong Anakpawis na hirap na hirap na silang pagkasyahin ang kanilang budget sa pang-araw-araw dagdag pa ang mataas na presyo ng mga bilihin.

Kayat panawagan nila na dapat ibasura na ang oil deregulation law at tanggalin na ang value-added tax sa mga produktong petrolyo para maibsan ang pasanin ng mga Pilipinong konsyumer.