Inalmahan ng grupo ng mangingisda na Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) ang pagbagsak ng presyo ng tawilis (Sardinella tawilis) sa P100 kada kilo mula sa dati nitong presyo na P250, kasabay ng mga ulat na ang mga katawan ng nawawalang sabungeros (mga mahilig sa sabong) ay itinapon sa Taal Lake.
Ayon sa Pamalakaya, nakatanggap sila ng mga ulat mula sa ilang bayan sa Cavite na ang tawilis ay ibinebenta sa pinakamababang presyo na P100 kada kilo. Ipinahayag din ng grupo ang pag-aalala ng mga mangingisda mula sa mga bayan sa paligid ng Taal Lake sa Batangas, na nakakaranas ng takot ang publiko sa pagbili ng isda mula sa lugar.
Pahayag ni Fernando Hicap, pangulo ng Pamalakaya, Kung ganyan ang presyo aniya ng tawilis sa merkado, tiyak na babagsak ang farm-gate price nito para sa mga mangingisda sa Taal.
Bagaman una nang sinabi ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na ligtas kainin ang isda mula sa Taal Lake, ngunit ayon kay Hicap na naapektuhan pa rin ang presyo ng tawilis dahil sa mga ulat na may mga katawan na itinapon sa lawa.
Hiniling ni Hicap sa Department of Agriculture at BFAR na magbigay ng tulong sa mga mangingisda sa pamamagitan ng direktang pagbili ng kanilang produkto at hikayatin ang publiko na patuloy na suportahan ang mga mangingisda sa Taal.
Magugunitang una nang nagsimula ang mga technical diver mula sa Philippine Coast Guard ng retrieval operations sa Taal Lake noong Biyernes upang hanapin ang mga katawan ng nawawalang sabungeros na nawawala mula pa noong Abril 2021 hanggang Enero 2022.