-- Advertisements --

Binago ng mga awtoridad ang estratehiya sa paghahanap sa lumubog na M/V Trisha Kerstin 3 matapos mabigo ang mga naunang operasyon gamit ang underwater drones.

Sa halip, gagamit na ng sound navigation and ranging o sonar technology upang mas mapabilis at mapahusay ang paghahanap sa lumubog na RoRo vessel.

Ayon kay Hadji Muhtamad Mayor Arsina Kasing-Nanoh, hindi pa rin matagpuan ng Remote Operated Vehicle (ROV) ang barko kaya iminungkahi ng lokal na pamahalaan sa Philippine Coast Guard ang paggamit ng sonar.

Inaasahang sisimulan ang sonar operations ngayong Lunes, Pebrero 2, at inaasahang tututok sa huling naitalang lokasyon ng naturang sasakyang pandagat.

Ipinaliwanag ng alkalde na ang sonar ay gumagamit ng sound waves upang matukoy ang mga bagay sa ilalim ng dagat kahit sa mababang visibility.

Pinangunahan ng LGU ng Hadji Muhtamad ang inisyatiba katuwang ang pribadong sektor sa pagbibigay ng kagamitan.

Matatandaang lumubog ang M/V Trisha sa karagatan malapit sa Baluk-Baluk Island, Basilan noong Enero 6, na ikinasawi ng 40 katao, habang may ilan pang nawawala. Sa 332 pasahero, 317 ang nakaligtas.

Tiniyak ng lokal na pamahalaan ang patuloy na suporta sa mga pamilya ng mga biktima habang nagpapatuloy ang search and rescue operations.