Lumagda ang Pilipinas at Japan sa isang P8.18-billion loan agreement para sa rehabilitasyon ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3), na patuloy na nakararanas ng mga technical issues.
Ayon kay Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa P. Lazaro, layon ng proyekto na maibalik ang MRT-3 sa orihinal nitong disenyo upang mapabuti ang kapasidad at kaligtasan ng serbisyo para sa daan-daang libong pasaherong araw-araw na gumagamit nito.
Saklaw pa ng rehabilitasyon ang pagpapalit ng mainline rails, pag-overhaul ng mga tren, pag-upgrade ng signaling, power at communication systems, at iba pang mga pasilidad.
Target naman matapos ang rehabilitasyon pagsapit ng Oktubre 2029.
Napag-alaman na ang loan mula sa Japan ay may 40-taong bayarin na may 10-taong grace period at 0.8% na interes kada taon.














