-- Advertisements --

Mag-aalok ng libreng sakay sa Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) tuwing Miyerkules sa Agosto para sa National ID holders.

Ayon sa Department of Transportation (DOTr), tatakbo ang libreng sakay mula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-9:00 ng umaga at mula alas-5:00 ng hapon hanggang alas-7:00 ng gabi.

Magsisimulang ipatupad ang libreng sakay sa Agosto 5, 12, 19 hanggang 26.

Para ma-avail ito, kailangan lamang magpresenta ng pasahero sa istasyon ng physical National ID, maaari ring digital o printed ePhilID.

Sinabi ng Transportation Department na ang alok na libreng sakay ay kasabay ng pag-marka ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa anibersaryo ng Philippine Identification System Act.

Bukod dito, may ikalawa pang bugso ng libreng sakay sa Setyembre 26 para naman sa pag-marka ng Global Identity Day.

Kaakibat nito, nananatiling bukas ang National ID registration sa mga istasyon ng MRT-3 partikular na sa Araneta-Cubao at Taft Avenue.

Sa kasalukuyan, mayroon ng mahigit 90 milyong Pilipino ang nakarehistro sa PhilSys base sa datos noong Enero 2026.