-- Advertisements --

Balik normal operation na ang Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) matapos ang insidente ng pagliyab ng isang passenger bus malapit sa riles sa southbound lane ng EDSA-Ortigas flyover noong Biyernes ng gabi.

Ayon sa MRT-3 management, naibalik ang normal na operasyon bandang ala-6:50 ng gabi, matapos ang pansamantalang aberya na iniulat dakong ala-6:30 ng gabi dahil sa insidente.

Samantala, sinabi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na pansamantalang isinara ang southbound lane ng EDSA-Ortigas flyover sa trapiko matapos ang nangyaring insidente.

Dahil sa insidente, binagalan ng MRT-3 ang takbo nito sa pagitan ng Ortigas at Santolan stations bilang pag-iingat.

Batay sa inspeksyon ng MRT-3 personnel, walang nakitang burn marks sa overhead catenary system, kaya’t hindi naapektuhan ang kanilang linya at naituloy agad ang operasyon.