Naglabas ng adjusted operating schedule ang Metro Rail Transit Line 3 o MRT-3 para sa Undas 2026, mula nitong Huwebes, hanggang sa Lunes, November 2.
Ayon sa Department of Transportation o DOTr, nasa ilalim ng heightened alert ang MRT-3 hanggang November 3, araw ng Martes sa susunod na Linggo. Aabot naman sa 700 na security personnel ang ipapakalat sa buong linya ng MRT-3 upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero ngayong Undas.
Ngayong October 31, araw ng Sabado, ay mananatiling alas-4:30 ng madaling-araw ang unang biyahe mula North Avenue at 5:05 naman ng madaling-araw sa istasyon ng Taft Avenue.
Mas maaga namang magtatapos ang operasyon ngayong araw, kung saan alas-9:30 ng gabi ang huling biyahe mula North Avenue at alas-10:09 ng gabi mula Taft Avenue.
Ganoon din ang schedule sa November 1, kung saan alas-4:30 ng madaling-araw ang unang biyahe mula North Avenue at alas-5:05 naman ng madaling-araw mula Taft Avenue.
Samantala, sa November 2, babalik sa mas mahabang operating hours ang MRT-3, kung saan ang huling biyahe ay 10:30 ng gabi mula North Avenue at 11:09 ng gabi mula Taft Avenue.
Pinapayuhan naman ang mga pasahero na planuhin nang maaga ang kanilang biyahe at sundin ang mga ipinatutupad na security protocols sa mga istasyon at tren.














