Hinikayat ang publiko na maging maingat at responsable sa pagbisita sa mga sementeryo ngayong Undas 2026 upang matiyak ang kaligtasan at kaayusan ng mga dadalaw sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay.
Pinayuhan ang mga pamilya na bantayan ang mga bata upang hindi maligaw o mahiwalay sa kanilang mga kasama. Mahalaga ring alalayan ang mga nakatatanda, buntis, at persons with disabilities (PWDs), lalo na sa mga lugar na inaasahang dadagsain ng mga bisita.
Pinapaalalahanan din ang publiko na makinig sa mga anunsyo at alamin ang mga pasukan, labasan, at ligtas na lugar sa loob ng sementeryo. Kung may emergency, agad na lumapit sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), o rescue team.
Para maiwasan ang sunog, dapat gumamit ng kandila sa ligtas na lugar at ilayo ito sa mga bagay na madaling masunog. Sakaling magkaroon ng sunog, manatiling kalmado, lumayo sa panganib, at agad na tumawag sa Bureau of Fire Protection (BFP).
Pinaalalahanan din ang mga bibisita na panatilihin ang kalinisan sa pamamagitan ng tamang pagtatapon at paghihiwalay ng basura. Pinapayuhang magdala ng sariling trash bag, inuming tubig, pamaypay, at payong, gayundin ang umiwas sa pagdadala ng matutulis o mapanganib na bagay.
Mahalagang makiisa ang publiko sa mga alituntunin ng mga awtoridad upang maging ligtas, maayos, at mapayapa ang paggunita sa Undas 2026.
















