Nagbabala ang abogado ni Senador Ronald dela Rosa na si Atty. Israelito Torreon na walang legal o lehitimong batayan ang mas mahigpit na manhunt laban sa kaniyang kliyente.
Ito ay kasunod ng pagtatapos ng ultimatum na ibinigay sa nagtatagong senador nitong araw ng Biyernes, Oct. 30, at pagbuo ng tracker teams at manhunt teams sa bawat rehiyon sa buong bansa.
Ayon kay Atty. Torreon, nananatiling walang basehan ang manhunt dahil walang inilalabas na warrant of arrest ang anumang korte sa Pilipinas.
Wala din si dela Rosa aniya sa listahan ng Red Notice ng Interpol sa kasalukuyan.
Kasabay nito ay umapela ang kampo ni dela Rosa sa mga pulis na sumunod lamang sa mga lehitimong kautusan para maiwasan ang anumang legal complication o posibleng mga kaso.
Katwiran pa ng batikang abogado, hindi rin maaaring gamiting batayan ang Section 17 ng Republic Act 9851 o Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide, and Other Crimes Against Humanity.
Sa ilalim nito, wala aniyang malinaw na rules of procedure kung paano isusuko sa International Criminal Court (ICC) ang isang tao, gaya ng kung saang korte maaaring dumulog ang senador.















