-- Advertisements --

Hindi isinasantabi ni Atty. Israelito Torreon ang posibilidad ng paglabas ni Sen. Ronald Dela Rosa kung ihahain ang kaso laban sa kaniya sa akmang lokal na korte sa Pilipinas.

Sa isang panayam, natanong ang legal counsel ni Sen. Bato kung posible bang lalabas o susuko si Sen. Bato sa hinaharap, lalo na at nagpaso na ang ultimatum na inilabas ng Philippine National Police (PNP) para sa kaniyang pagsuko.

Ayon kay Torreon, tanging ang senador lamang ang makakapagdesisyon kung lalabas siya, saan man siya naroon ngayon.

Natanong din ang batikang abogado kung lalabas ba ang senador kung sakaling mag-isyu ang Supreme Court ng temporary restraining order (TRO) ukol sa kaniyang warrant of arrest na unang inilabas ng International Criminal court (ICC).

Sagot ni Torreon, tanging si Sen. Bato rin ang makakasagot at makakapagdesisyon dito, ngunit nananatili ang posibilidad na lalabas nga siya kung magdedesisyon na ang kataas-taasang hukuman

Paliwanag ng abogado, ayaw ni Sen. Bato na mistulang maging ‘parang manok’ na basta na lamang dakpin at tuluyang dalhin sa The Hague ng hindi ipinapadaan sa mga lokal na korte ng bansa.

Ang tanging hinihiling aniya ng kampo ni Sen. Bato ay ang proteksyon ng mga lokal na korte, at hindi lamang basta inaaresto dahil sa warrant na inilabas ng isang international tribunal.