KALIBO, Aklan—Ikinatuwa ng grupo ng mangingisda ang naging pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi magpapatinag ang Pilipinas sa anumang mga banta na ginagawa ng China at umaasa ang mga ito na maninindigan ang pamahalaan hanggang sa dulo para sa kapakanan nila na karagatan ang pinagkukunan ng hanapbuhay at pangangailangan sa pang-araw-araw na pamumuhay.
Ayon kay Joey Marabe, Vice President for Admin ng Panatag at provincial coordinator ng grupong PAMALAKAYA Zambales, nararapat lamang aniya na patuloy na ipaglaban ang karapatan ng Pilipinas sa pinag-aagawang teritoryo sapagkat ang West Philippine Sea (WPS) ay atin at hindi dapat ipagkanulo sa dayuhang bansa.
Samantala, hindi naman nila ikinatuwa ang nangyaring banggaan sa gitna ng China Coast Guard at Chinese Navy ship habang nagsasagawa ng kadiwa operations ang Philippine Coast Guard sa Bajo de Masinloc dahil sa may napahamak na indibidwal ngunit itinuturing nila itong “karma” sa bahagi ng China dahil sa patuloy na panggigipit at panghaharass sa mga barko ng PCG at maging sa kanila ring mangingisda na araw-araw pumapalaot para ikakabuhay ng kanilang buong pamilya.
Sa kasalukuyan aniya ay pinanghahawakan nila ang panindigan ng pamahalaan na mananatili sa Pilipinas ang West Philippine Sea at kaisa ang mga ito upang mawakasan ang tensyon at sigalot sa pinag-aagawang teritoryo.