-- Advertisements --

Nilinaw ng abogadong si Atty. Ferdinand Topacio na hindi nila hangad na patahimikin si Senate President Vicente ‘Sotto’ III sa kanyang pagkukumento ukol sa isyu ng ‘impeachment’ kay Vice President Sara Duterte.

Ayon sa naturang abogado, ang kanilang paghahain ng petisyon sa Korte Suprema ay walang layunin na magamit para mapatahimik ang mambabatas.

Aniya’y malaya naman raw si Senador Tito Sotto III na magpahayag ng kanyang opinyon basta’t hindi lumalabag sa tinatawag na ‘rules on contempt’.

Mariin niya pang sinabi na ang Kataas-taasang Hukuman ay nararapat lamang bigyan ng ‘respeto’ mula sa mga sangay ng pamahalaan.

Giit ng naturang abogado na hindi pwedeng bastusin na lang ang Korte Suprema sapagkat hindi rin naman daw nito binabastos ang kongreso.

Dagdag pa ni Atty. Topacio, wala naman raw sila sa lugar para balaan ang sinuman o mga mambabatas sa kanilang pagsasalita o paglalahad ng opinyon.

Ipinapakita lamang aniya nila rito na hindi nila kukunsintihin ang mga pahayag ng hindi paggalang o makapanira sa Korte Suprema.

Magugunitang kahapon ay sinampahan nila si Senate President Tito Sotto III ng ‘petition for indirect contempt’ sa paniniwala na ang mga kumento kamakailan nito ay hindi katanggap-tanggap.

Partikular na kanilang tinutukoy ay ang pagkontra ng mambabatas sa resolusyon nagbasura sa ‘articles of impeachment’ laban sa bise presidente.

Sakali man paburan ng Korte Suprema ang petisyon, maaring pagmultahin si Sen. Sotto ng 30-libo piso halaga pati 6-buwan na pagkakakulong.