Itinaas ang red “flag of revenge” sa ibabaw ng dome ng Jamkaran Mosque sa Qom, Iran, bilang simbolo ng galit at paghahangad ng katarungan ng bansa matapos ang pagkamatay ng Supreme Leader na si Ayatollah Ali Khamenei.
Magugunitang napaslang si Khamenei noong Sabado sa isang joint airstrike operations ng Israel at Estados Unidos sa Tehran.
Kinumpirma ng Iranian state media ang kanyang pagkamatay nitong Linggo, na nagdulot ng protesta at pagdadalamhati sa Iran at sa ibang bansa.
Magkaiba naman ang reaksyon ng ilang lider sa west kung saan tinawag ni U.S. President Donald Trump si Khamenei na isa sa pinaka-evil na tao sa kasaysayan at tinukoy ang kanyang pagkamatay bilang pagkakataon para sa mga Iranian na mabawi ang kanilang bansa.
Samantala, hinikayat ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu ang mga Iranian na magkaisa laban sa rehimen.
Sa kabilang dako sa Tehran, umugong ang palakpakan at sigawan sa mga lansangan nang lumabas ang ulat tungkol sa pagkamatay ni Khamenei, habang may makikitang itim na usok sa lugar kung saan siya nakatira.
Ayon sa Israeli Defense Forces (IDF), si Khamenei ang utak sa mga operasyon laban sa Israel at tinawag siyang ”head of the Iranian octopus,” na may malaking impluwensya umano sa Middle East.
Interim Leadership Council
Bilang tugon, itinatag ng Iran ang tatlong miyembrong interim Leadership Council upang pamahalaan ang bansa hanggang sa makapili ng bagong Supreme Leader.
Noong Linggo, inatasan si Alireza Arafi, 66 anyos na cleric at miyembro ng Guardian Council, bilang jurist member ng konseho.
Kasama niya sa pamunuan sina President Masoud Pezeshkian at Chief Justice Gholamhossein Mohseni Ejei upang gampanan ang tungkulin ng supreme leader habang naghihintay ng permanenteng kahalili, ayon sa Iranian state media.















