Nawasak ang underground bunker ng napaslang na si Iran Supreme leader, Ayatollah Ali Khamenei matapos bombahin ng Israel Air Force, base sa inilabas na footage ng Israeli Defense Forces (IDF).
Ito ay isang linggo mula nang mapaslang ang Iran Supreme leader.
Ayon sa Israeli military, nagbagsak ang 50 fighter jets ng 100 bomba sa underground bunker, na nasa “leadership complex” ng Iran sa kabisera ng Tehran.
Ayon sa IDF, saklaw nito ang multiple streets, na may maraming entry points at mga silid, na sinasabing ginagamit ng senior Iranian officials para sa kanilang pagpupulong.
Itinatag umano ang naturang underground bunker bilang emergency asset para mapangasiwaan ang giyera ng kanilang lider, na napatay bago pa man magamit ito.
Inihayag ng Israeli military na matapos mapatay si Khamenei sa strike noong araw ng Sabado, Pebrero 28, patuloy na ginagamit ng senior members ng Iranian regime ang naturang bunker.
Naisakatuparan naman ng Isareli military ang “precise strike” sa underground bunker matapos ang ilang taong pag-aaral sa site, sa pamamagitan ng Military Intelligence Directorate’s Unit 8200 at Unit 9900, na naatasan para sa signal at visual intelligence.
Ayon din sa IDF, makailang beses na nilang tinamaan ang sites sa leadership complex sa Tehran sa gitna ng conflict.
Sa pagsisimula aniya ng palitan ng strike sa gitna ng digmaan, natamaan ng IDF at napaslang si Khamenei sa kaniyang compound, na parte ng complex habang kumitil ng walo pang top Iranian officials ang isa pang strike sa karatig na gusali.
Noong Martes, kinumpirma ng IDF na ilang sites sa complex ang tinamaan, kabilang ang presidential bureau ng Iran at headquarters ng Supreme National Security ng Iran.
















