Inihayag ni US President Donald Trump na malapit ng matapos ang digmaan sa Iran, subalit hindi pa ito ngayong linggo.
Nagbabala rin ang US President na kung muling aatake ang Iran, mas matindi ang gagawin ng Amerika.
Sa press conference, sinabi ni Trump na lahat ng mayroon ang Iran ay nawala na kabilang ang kanilang lider na si Ayatollah Ali Khamenei at ang pumalit sa kaniya na si Ayatollah Alireza Arafi. Kayat itinuturing ni Trump na epektibo ang kanilang operasyon.
Muling dinepensahan din ni Trump ang kanilang inilunsad na pag-atake sa Iran, na kung hindi nila ito isinagawa ay sasakupin ng Iran ang Middle East.
Samantala, natanong din ang US President kaugnay sa pagtatalaga ng Iran ng bagong Supreme leader.
Inihayag ni Trump na dismayado siya sa pagkakapili kay Mojtaba Khamenei, ang ikalawang anak ng napaslang na Supreme leader.
Ayon kay Trump, dismayado siya dahil posibleng magdulot lamang ng mas maraming katulad na problema para sa Iran ang pagkakatalaga ni Mojtaba.
Matatandaan, noong Pebrero 28 nang ilunsad ng US at Israel ang joint attack laban sa Iran na tinawag na “Operation Epic Fury,” kung saan naglunsad ng malawakang air at missile strikes sa military inrfrastructure ng Iran kabilang na sa air-defense systems, missile launchers at naval assets.
Sa unang araw ng operasyon, napaslang si Iran Supreme leader, Ayatollah Ali Khamenei.
Nasa ikalawang linggo na ang digmaan, kung saan sa kaniyang panibagong speech, ipinagmalaki ni Trump na matagumpay ang Operation Epic fury dahil halos nakamit na nila ang kanilang layunin.
















