Nagpadala ang Iran ng proposal sa Estados Unidos, sa pamamagitan ng tagapamagitan na Pakistan, na naglalayong wakasan ang giyera sa iba’t ibang panig ng Middle East.
Sa kanilang panukala, iginiit ng Iran ang pagtanggal ng US Office of Foreign Assets Control (OFAC) sanctions sa Iranian oil sales sa loob ng 30 araw at ang pagwawakas sa naval blockade ng Amerika sa kanilang mga daungan.
Ayon sa mga ulat, kabilang sa hiling ng Iran ang pamamahala sa Strait of Hormuz sakaling maisakatuparan ng US ang mga partikular na commitment, na hindi na tinukoy pa.
Gayunpaman, sa pamamagitan ng kaniyang Truth Social platform, mariing tinutulan ni US President Donald Trump ang counterproposal ng Iran.
Ayon kay Trump, “totally unacceptable” o ganap na hindi katanggap-tanggap ang mga kondisyong inilatag ng Iran para wakasan ang giyera.
Nagbabala rin ang Iran na hindi ito magpapapigil sa pagganti laban sa anumang bagong pag-atake ng Amerika at hindi papayagan ang pag-deploy ng mas maraming foreign warships sa Strait of Hormuz.
Sa isang pahayag, binigyang-diin ni Iranian President Masoud Pezeshkian na hindi sila yuyuko sa kalaban, at ang pakikipag-dayalogo o negosasyon ay hindi nangangahulugan ng pagsuko o pag-atras.
















