Sisimulan na ang “lie in state” o burol ng napaslang na Supreme Leader ng Iran na si Ayatollah Ali Khamenei bukas, Sabado, Hulyo 4, 2026, sa Grand Mosalla mosque sa Tehran.
Dito ay dadalhin ang kaniyang labi, na nakalagay sa isang kabaong, upang bigyan ng pagkakataon ang publiko at ang mga lider mula sa iba’t ibang bansa na magbigay ng kanilang huling pagpupugay.
Matatandaang napatay si Khamenei noong Pebrero 28, 2026, sa isang airstrike ng U.S. at Israel. Naantala ng apat na buwan ang kaniyang libing dahil sa digmaan at seguridad, ngunit ngayong may umiiral na ceasefire, inilatag na ang 7-araw na prosesyon.
Ngayong araw, Hulyo 3 (Biyernes), dumating ang kaniyang kabaong sa Tehran para sa isang pribadong seremonya kasama ang mga dayuhang delegasyon at mga opisyal.
Sa Sabado at Linggo naman, opisyal na ilalagak ang kaniyang labi sa Tehran Grand Mosalla Mosque para masilayan ng publiko.
Sa Hulyo 6 (Lunes), isasagawa ang funeral procession sa mga lansangan ng Tehran.
Sa Hulyo 7 (Martes), dadalhin ang kabaong sa banal na lungsod ng Qom para sa panalangin ng mga iskolar ng Islam.
Sa Hulyo 8 (Miyerkules), ililipad ang kaniyang labi patungo sa Iraq para sa prosesyon sa mga sagradong lungsod ng Shia na Najaf at Karbala.
Sa Hulyo 9 (Huwebes) naman ibi-byahe pabalik ng Iran ang kaniyang labi upang tuluyang ilibing sa Imam Reza Shrine sa kaniyang tinubuang lungsod sa Mashhad.
Tinataya ng mga opisyal ng Iran na sa pagitan ng 15 hanggang 20 milyong tao ang makikibahagi sa buong linggong aktibidad.
Kaugnay nito, nagdeklara na ng “public holidays” o walang pasok sa mga lungsod na dadaanan ng kabaong. Isasara rin ang airspace ng Tehran at Mashhad sa mga partikular na araw para sa seguridad.
Hindi naman tiyak kung dadalo sa funeral ang kaniyang anak at bagong itinalagang Supreme Leader ng Iran na si Mojtaba Khamenei.













