-- Advertisements --

Posibleng direktang sangkot ang bagong Supreme Leader ng Iran na si Mojtaba Khamenei, anak ng yumaong lider na si Ali Khamenei, sa paghubog ng stratehiya ng Iran sa digmaan at sa negosasyon upang wakasan ang tensyon sa Estados Unidos.

Ayon sa intelligence ng US, si Mojtaba Khamenei ang nangangasiwa sa diskarte ng Iran sa mga negosasyon upang tapusin ang digmaan na sumiklab matapos ang mga pag-atake ng US at Israel.

Bagama’t inilalarawan si Mojtaba bilang isang “hardliner”o may matigas na paninindigan na nagbabala laban sa mga base militar ng US, siya rin ang itinuturing na susi sa pag-apruba ng anumang “ceasefire proposal” o kasunduan para matigil ang digmaan.

Si Mojtaba ay hindi pa nakikita sa publiko mula nang magtamo ng serious injuries sa kasagsagan ng pag-atake na kumitil sa kanyang ama at ilang top military leaders noong sumiklab ang digmaan sa huling bahagi ng Pebrero 2026. Base sa mga ulat, siya ay nagpapagaling mula sa mga natamo niyang sugat (burns) at nagtatrabaho sa pamamagitan ng mga trusted couriers at audio conferences mula sa isang ligtas na lokasyon.

Bagama’t siya ang Supreme Leader, may mga ulat na ang tunay na kapangyarihan ay nasa kamay ng Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC) at ang kanyang papel ay maaaring limitado o simboliko sa ilang aspeto.