Iniulat ng Iranian state television na si Mojtaba Khamenei, na kamakailan lamang inanunsyo bilang bagong Supreme Leader ng Iran, ay ‘Wounded’ umano sa nagpapatuloy na digmaan sa bansa.
Ayon sa state media, tinawag si Mojtaba bilang “janbaz,” o isang taong nasugatan ng kalaban sa tinatawag nilang “Ramadan war,” ang terminong ginagamit sa Iran upang tukuyin ang kasalukuyang tensyon sa rehiyon.
Gayunman, hindi na nagbigay ng karagdagang detalye ang state media tungkol sa kanyang kalagayan.
Ang pagpapakilala kay Mojtaba ay naganap matapos mapatay ang kanyang ama na si Iran Supreme Leader Ayatollah Ali Khamenei, pati ang asawa nito sa isang joint military operation ng U.S. at Israeli sa Tehran noong Pebrero 28 na siyang nagpasimula ng digmaan.
Mula nang magsimula ang labanan, hindi pa muling nakita sa publiko si Mojtaba.
Napag-alaman na si Mojtaba ay umano’y mahusay magsalita ng Ingles at nakapagtapos ng mga specialized courses sa psychology at psychoanalysis.
Inilarawan din siya bilang may kaalaman sa modernong teknolohiya, military sciences, security affairs, pati na rin sa mga prinsipyong pampulitika at mga kinakailangan para pamahalaan ang bansa.
Matagal nang kilala si Mojtaba bilang maimpluwensyang tao ngunit tahimik sa loob ng political at security establishment ng Iran.
Sa loob ng maraming dekada, nanatili siyang nasa likod ng mga mahahalagang desisyon ng kanyang ama habang pinapalakas ang kanyang koneksyon sa mga pangunahing institusyon ng Islamic Republic.
Ang pagluklok kay Mojtaba bilang Supreme Leader ay itinuturing ng mga political analyst na isang lider na may matagal nang impluwensya sa likod ng pamahalaan.
Si Mojtaba ang ikalawang anak ni Ali Khamenei at matagal nang pinaniniwalaang pinaka may ambisyong mamuno sa kanilang magkakapatid.
Ang kanyang kapatid na si Masoud ay nagsilbi lamang sa mga administrative role sa opisina ng kanilang ama, habang ang iba pa niyang kapatid ay hindi kilala na may hawak na posisyong pampulitika.
Sa ngayon wala pang mga ulat kung ano ang magiging susunod na hakbang ng bagong Supreme Leader ng Iran.
















