-- Advertisements --

ANGELES CITY, Pampanga — Tatlo na ang kumpirmadong nasawi sa pagguho ng isang gusali sa Angeles City, Pampanga.

Nabatid na may kabuuang 47 katao na naapektuhan, 26 ang na-rescue, habang 17 pa ang hinahanap pa ng responders.

Ayon sa Philippine Red Cross (PRC), katuwang nila ang mga lokal na otoridad upang masagip ang mga natitirang biktima.

Nakapagtalaga na sila ng mga Collapsed Structure Search and Rescue (CSSR) at Emergency Medical Services (EMS) teams mula sa Pampanga at Olongapo Chapters upang tumulong sa lugar ng insidente.

Bilang tugon sa pangangailangan ng mga pamilya ng mga biktima, nagtatag din ang PRC ng 24/7 Welfare Desk sa Ospital Ning Angeles para sa Restoring Family Links (RFL) at psychosocial support.

Nanatiling naka-alerto ang mga staff at volunteers ng PRC na nagsasagawa ng 24-hour shifts upang matiyak ang mabilis na paghatid ng tulong.

Patuloy ang panawagan ng organisasyon na ipagdasal ang mga biktima, kanilang mga pamilya, at ang mga tumutugon sa trahedya.