Patay ang isang armadong suspek matapos itong barilin ng mga law enforcement officer nang magpaputok ito ng baril sa isang checkpoint malapit sa White House nitong gabi ng Sabado, Mayo 23 (oras sa Amerika).
Ayon sa pahayag ng U.S. Secret Service na ipinost sa social media, isang lalaki ang lumapit sa checkpoint sa 17th Street at Pennsylvania Avenue.
Bigla umanong naglabas ng baril ang suspek mula sa kanyang bag at pinaputukan ang mga nakatalagang opisyal.
Agad namang gumanti ng putok ang mga tauhan ng Secret Service at nabaril ang suspek at dineklara itong patay nang isugod sa ospital.
Sa hiwalay na ulat, isang sibilyan na dadaan lamang sa lugar ang natamaan din ng bala sa gitna ng kaguluhan.
Kasalukuyan pang inaalam kung gaano kalubha ang natamong sugat nito, at hindi pa rin malinaw kung kanino nanggaling ang balang tumama sa biktima.
Inihayag ng isang law enforcement official na ang suspek ay kinilala bilang isang indibidwal na “emotionally disturbed person” o may pinagdaraanang problema sa pag-iisip.
Idinagdag din ng opisyal na dati nang naglabas ng “stay-away order” o kautusang nagbabawal sa suspek na lumapit sa naturang lugar.
Walang sinumang tauhan ng Secret Service o mga awtoridad ang nasugatan sa insidente.
Kinumpirma ng Secret Service na nasa loob ng White House si Pangulong Donald Trump nang maganap ang pamamaril, ngunit ligtas ito at hindi naapektuhan ng insidente.
















