Hinimok ni Parañaque 2nd District Representative Brian Yamsuan ang mabilisang pagpasa sa House Bill (HB) 7863 o ang Safe Pathways Network Act upang gawing institusyonal ang “active transport” at makabuo ng ligtas na network para sa mga nagbibisikleta at naglalakad sa buong bansa.
Ayon kay Yamsuan, vice chairperson ng House Committee on Transportation, napapanahon na ang pagpapatupad ng nasabing batas dahil ang paglalakad at pagbibisikleta ay naging praktikal nang opsyon para sa mga Pilipino upang maibsan ang epekto ng taas-presyo ng langis.
Binigyang-diin ni Yamsuan, panahon na para magkaroon ng pedestrian-friendly at safe ‘bike-able’ pathways sa bansa.
Sa ilalim ng panukalang batas, uutusan ang mga lokal na pamahalaan (LGUs), sa pakikipagtulungan ng Department of Transportation (DOTr) at Department of Public Works and Highways (DPWH), na magtakda at magtayo ng mga sumusunod:Network ng mga bike lane; Walkways; Slow Streets; End-of-trip facilities o paglalagay ng mga rack para sa bisikleta sa mga opisina ng gobyerno, paaralan, at mga komersyal na gusali gaya ng mall at ospital.
“Our proposed Safe Pathways Act responds to this reality. It recognizes the fact that most trips are not made by private vehicles. Millions of Filipinos commute and complete their journey on foot when they travel, while others prefer to use bikes. Ang problema ay hindi ligtas ang ating mga kalsada at mga sidewalk para sa kanila. Ito ang gusto nating baguhin,” pahayag ni Rep. Yamsuan.
Binigyang-diin din ng mambabatas na batay sa pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency (JICA), nasa 30.7 porsyento o 10.9 milyong biyahe sa Metro Manila ay ginagawa sa pamamagitan ng paglalakad, habang 20.4 porsyento lamang ang gumagamit ng pribadong sasakyan.
Bukod sa pagtitipid, sinabi ni Yamsuan na ang pagpapalawak ng active transport ay makatutulong din sa pagbawas ng trapiko, pagpapalakas ng kalusugan ng publiko, at pagprotekta sa kalikasan laban sa polusyon mula sa mga sasakyan.
Ang pondo para sa pagpapatupad ng batas na ito ay magmumula sa mga infrastructure funds ng LGUs, budget ng DOTr at DPWH sa ilalim ng General Appropriations Act, at sa Special Road Fund mula sa Motor Vehicle User’s Charge (MVUC).
Binanggit din ni Yamsuan na sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., binibigyang-priyoridad ng pamahalaan ang kapakanan ng mga commuter at pedestrian sa pagpapatupad ng mga proyektong pampublikong imprastraktura, gaya ng ipinapakita sa kasalukuyang commuter-centric na yugto ng rehabilitasyon ng EDSA na kinapapalooban ng pagpapaganda ng mga sidewalk at mga bike lane.
“This is an opportune time to enact the Safe Pathways Act considering that our ever-reliable Public Works Secretary, Vince Dizon, has been at the forefront of advocating for, and building, safe and more inclusive public spaces for pedestrians and commuters. Simulan natin sa EDSA at ituloy-tuloy na natin ito (Let’s start in EDSA and keep on going with these initiatives.),” dagdag pa ni Yamsuan.













