-- Advertisements --

Posible muling tumaas ang presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo dahil sa patuloy na problema sa suplay ng langis dulot ng tensyon sa Gitnang Silangan.

Batay sa pagtaya mula sa industriya ng langis gamit ang resulta ng Mean of Platts Singapore (MOPS) at foreign exchange trading sa nakalipas na apat na araw, maaaring madagdagan ang presyo ng diesel at gasolina.

Tinatayang tataas ng P1.00 hanggang P1.30 kada litro ang diesel habang posibleng madagdagan naman ng P1.20 hanggang P1.50 kada litro ang gasolina.

Ayon sa isang source mula sa oil industry, patuloy na naaapektuhan ang diesel dahil sa mataas na presyo ng krudo at hindi pa rin nareresolbang problema sa suplay ng langis sa pandaigdigang merkado.

Samantala, nananatiling mataas din umano ang presyo ng gasolina dahil limitado ang global supply at tumataas ang demand, partikular sa Estados Unidos kasabay ng pagsisimula ng peak summer season.

Bagama’t may bahagyang pagbaba kamakailan sa presyo ng krudo dahil sa positibong usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Amerika at Iran, sinabi ng source na nananatiling pabago-bago ang galaw ng presyo dahil hindi pa rin tiyak kung kailan matatapos ang tensyon sa Gitnang Silangan.

Karaniwang inaanunsyo ng mga kumpanya ng langis ang kanilang price adjustment tuwing Lunes at ipinatutupad ito pagsapit ng Martes.