TRUMP TUTOL SA KONTROL NG IRAN SA HORMUZ, GIIT DIN ANG PAGKUHA SA URANIUM STOCKPILE
Nagpatuloy ang matinding banggaan ng posisyon ng Estados Unidos at Iran matapos igiit ni US President Donald Trump na nais ng Amerika na makuha ang stockpile ng highly enriched uranium ng Iran at panatilihing bukas ang pagdaan ng mga barko sa Strait of Hormuz.
Ayon kay Trump, hindi papayagan ng US na manatili sa Iran ang uranium stockpile dahil sa pangambang maaari itong gamitin sa paggawa ng nuclear weapons, kahit iginiit ng Tehran na para lamang ito sa mapayapang layunin. Sinabi rin niyang maaaring sirain ng US ang naturang stockpile kapag nakuha ito.
Mariin din niyang tinutulan ang plano ng Iran na maningil ng bayad sa mga barkong daraan sa Strait of Hormuz, isang mahalagang ruta ng pandaigdigang kalakalan ng langis. Giit ni Trump, isang international waterway ito at hindi dapat lagyan ng toll fees.
Samantala, nananatiling mabagal ang usapang pangkapayapaan sa gitna ng nagpapatuloy na tensyon, habang patuloy ding naaapektuhan ang pandaigdigang ekonomiya dahil sa pagtaas ng presyo ng langis at pangamba sa suplay ng enerhiya. (Report by Bombo Jai)















