-- Advertisements --

Nagsagawa nitong Biyernes ng unang session ang Truth Commission kasama ang mga pamilya ng mga umano’y biktima ng madugong drug war noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Layunin ng grupo na ipunin ang mga salaysay at ebidensya mula sa mga pamilya upang makabuo ng isang consolidated report na kanilang isusumite sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan.

Pinarangalan ang mga biktima sa pamamagitan ng live performance. Isa-isa ring nagsindi ng kandila ang mga dumalo bilang simbolo ng pag-asa.

Ayon kay Truth Commission adviser Cardinal Pablo Virgilio “Ambo” David, susubaybayan ng grupo kung paano tutugon ang pamahalaan sa kanilang magiging report.

Sinabi naman ni Truth Commission chairperson Atty. Raul Pangalangan na kung hihingin ng International Criminal Court (ICC) ang kanilang mga nakalap na findings at ebidensya, handa silang magbigay ng kopya para magamit sa imbestigasyon.