Nagpahayag ang Free Legal Assistance Group (FLAG) ng kahandaang tumulong sa bagong-tatag na Truth and Reconciliation Commission, isang independent body na magdodokumento sa mga patayan at karahasang nangyari sa panahong inilunsad ni dating Pang. Rodrigo Duterte ang madugong kampaniya laban sa iligal na droga.
Sa opisyal na pahayag na inilabas ng grupo, nakasaad dito ang kanilang pagsuporta sa mahalagang trabaho ng bagong komisyon, at ang pangangailangan para mabalikan at maidokumento ang mga nangyari sa naturang panahon.
Ayon sa grupo na binubuo ng mga batikang abogado, ang pagkalas ng Pilipinas mula sa Rome Statute ay tuluyang nagpahina sa saklaw at kapangyarihan ng International Criminal Court sa mga sitwasyong nangyari sa Pilipinas na maituturing bilang karumal-dumal.
Marami sa mga namatay sa huling yugto ng Duterte Administration ay hindi na umano naimbestigahan dahil hindi na miyembro ang Pilipinas sa naturang tribunal noong panahong iyon.
Dahil dito, kailangan ang isang Truth Commission para siyasatin ang mga naturang patayan dahil marami sa mga ito ang nabaon na sa limot, walang pangalan, hindi naidokumento, at basta na lamang pinabayaan.
Kampante ang FLAG na mabibigyan ng Truth Commission ng boses at espasyo ang pamilya ng mga biktima ng madugong drug war – bagay na hindi nangyari sa mga nakalipas na taon.
Nagpahayag din ang grupo ng matibay na paninindigan kasama ang mga survivor, pamilya ng mga biktima, at mga testigo na hanggang sa ngayon ay binabalikat pa rin ang pagkawala ng kanilang mga kaanak.
Kung babalikan ang mga naunang pahayag ng ilang human rights groups, umaabot hanggang 30,000 indibidwal ang nasawi sa kontrobersiyal na drug war ngunit batay sa datos ng United Nations, aabot lamang ito sa 18,000 indibidwal.
Gayunpaman, batay sa report ng Philippine National Police, mahigit 6,000 indibidwal lamang ang mga napatay sa naturang kampaniya










