-- Advertisements --

Nanawagan ang election watchdog na Kontra Daya at Advocates of Public Interest Law (APIL) sa Senate ethics committee na imbestigahan si Senator Rodante Marcoleta matapos umanong aminin na hindi niya isinapubliko nang buo ang kanyang mga campaign donor sa Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) para sa May 2025 elections.

Ayon sa reklamo, ang hindi pagdedeklara ng campaign donations ay posibleng paglabag sa election laws at sa ethical na pamantayan ng Senado.

Sa rekord ng SOCE ni Marcoleta, gumastos siya ng P139.9 milyon sa kampanya ngunit idineklara niyang wala siyang natanggap na kontribusyon o donasyon.

Matatandaang nagsampa rin ng perjury case ang mga grupo sa Ombudsman laban sa Senador at naglabas na rin ng show cause order ang Comelec para pagpaliwanagin siya sa umano’y diperensya sa kanyang SOCE at Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).