-- Advertisements --

Natapos na ng Commission on Elections (Comelec) ang pag-imprenta ng mga opisyal na balota para sa nakatakdang special election sa Marso 14 sa ikalawang distrito ng Antipolo City.

Tinatayang aabot sa kabuuang 252,793 balota ang naimprenta ng komisyon.

Isinagawa ang pag-imprenta sa National Printing Office sa Diliman, Quezon City.

Nagsimula ang test printing alas-8 ng umaga, sinundan ito ng opisyal na pag-imprenta ng mga balota at accountable forms bandang alas-9 ng umaga.

Nauna nang sinabi ng poll body na target nitong matapos ang produksyon sa loob lamang ng isang araw upang matiyak ang maagap na distribusyon ng mga election materials.

Ang special election ay itinakda upang punan ang nabakanteng puwesto sa ikalawang distrito ng Antipolo matapos ang pagpanaw ni Rep. Romeo Acop.

Tinatayang lalampas sa P6 million ang gastos sa pag-imprenta ng mga balota para sa special polls, ayon sa naunang projection ng Comelec.

Ang campaign period para sa special election ay tatagal hanggang Marso 12.