Pinabulaanan ng Department of Health (DOH) ang usap-usapang papalitan si Secretary Ted Herbosa sa gitna ng mga isyung bumabalot sa ahensiya.
Ayon mismo sa kalihim, walang katotohanna ang naturang lumulutang na pagpapalit ng liderato sa kagawaran at sinabi na rin umano ni Palace Press Officer USec. Claire Castro na walang balasahan sa mga miyembro ng Gabinete.
Subalit, nakahanda naman si Sec. Herbosa na tanggapin ang desisyon ng Pangulo sakaling magpasyang palitan siya dahil nasa prerogatibo ito ng punong ehekutibo.
Aniya, lahat sila sa Gabinete ay nagsisilbi ayon sa kagustuhan ng Pangulo.
Sa kabila naman ng mga usap-usapan at isyung ibinabato sa DOH, inihayag ni Sec. Herbosa na ipagpapatuloy nila ang pagpapatupad sa mga direktiba ng Pangulo gaya ng implementasyon ng zeo-balance billing sa DOH-accredited hospitals para sa mas pinahusay pang pangangalaga sa kalusugan ng lahat ng mga Pilipino.
















