Nanatiling tikom ang Malacañang hinggil sa isyu ng pag-aresto ng puwersa ng Estados Unidos kay Venezuelan President Nicolas Maduro, sa kabila ng magkakaibang reaksiyon at pahayag ng mga world leaders.
Sa press briefing sa Malakanyang, tinanong si Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro kung ano ang pananaw ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa naturang isyu, lalo’t may mga bansang kumondena sa aksiyon ng Amerika habang ang iba ay nananawagan ng paggalang sa international laws o sumusuporta sa pagpapatalsik kay Maduro.
Ayon kay Usec. Castro, sa ngayon ay wala pa siyang maibibigay na opisyal na tugon mula sa Pangulo.
Sinabi ni Castro ang nasabing usapin ay may kinalaman sa foreign policy at mas nararapat na sagutin ng Department of Foreign Affairs (DFA) at ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr mismo.
Dagdag pa ni Castro, ipauubaya muna ng Palasyo sa mga kinauukulang ahensiya ang pagbibigay ng pahayag ukol sa nasabing usapin.
Sa panig ng Department of Foreign Affairs (DFA, nananawagan ang Pilipinas na pagpigil at mapayapang pag resolba ng alitan kasunod ng aksiyon ng Amerika sa Venezuela matapos ang pag aresto kay President Nicolas Maduro.
Sa kasalukuyan, mahigpit na minomonitor ng Pilipinas ang sitwasyon sa Venezuela at tiniyak ang kahandaan ng gobyerno na tumulong sa mga Pilipinong maaaring maapektuhan.
Naglabas na rin ang embahada ng travel at safety advisory upang matiyak ang kaligtasan ng mga kababayan at maiwasan silang malagay sa panganib.
















