-- Advertisements --

Nakatakdang isapubliko na bukas ng Kataas-taasang Hukuman ang resulta sa naganap na ‘Bar Examinations’ noong nakaraang taon 2025.

Ayon sa notisyang inisyu ni Associate Justice Amy Lazaro-Javier, Chairperson ng 2025 Bar Examinations, ilalabas ang listahan ng mga nakapasa rito sa hapon ng Miyerkules.

Kung kaya’t naglabas ng ilang paalala at panuntunan o guidelines ang opisina ng naturang Associate Justice sa mga mag-aabang ng resulta’t listahan.

Mayroon LED walls/screens na ilalagay sa courtyard ng Korte Suprema para ipakita ang listahan ng mga matagumpay nakapasa sa bar exam ngunit hanggang alas-sais lamang ng gabi.

Umpisang magiging bukas kasi sa publiko ang pintuan ng Korte Suprema sa oras mula alas-dyis ng umaga hanggang alas-sais ng gabi.

Mahigpit namang ipinagbabawal na makapasok ang mga nakasuot ng pangyapak na kita ang daliri at sakong ng paa.

Habang ang pang-ibaba na ‘ripped’ o ‘above the knee’ at pang-itaas na kasuotan na ‘sleeveless’, ‘cropped’ at ‘see through’ ay bawal rin sa loob ng korte.

May ipatutupad ding security inspection para sa mga papasok at hindi rin pinahihintulatan ang pagdadala ng baril, alak, at pampasabog.

Payo naman sa lahat ng examinees at stakeholders na tanging sa Korte Suprema lamang tumutok para sa tamang impormasyon ukol sa resulta ng Bar Exam.