-- Advertisements --

Kinumpirma na rin ng Philippine Embassy sa Israel ang pagkasawi ng isang Pilipino matapos ang missile attack sa Tel Aviv noong gabi ng Pebrero 28.

Ang nasawi ay kinilalang si Mary Ann V. de Vera, 32-anyos na caregiver mula sa Basista, Pangasinan, na nagtatrabaho sa Israel mula pa noong 2019.

Nakumpirma ang kanyang pagkakakilanlan sa pamamagitan ng biometric records sa Abu Kabir Forensic Institute, kung saan personal na kinilala ang labi ng Pinay caregiver ng kanyang asawa, na nagtatrabaho rin sa Israel.

Nakipag-ugnayan na rin si Ambassador Aileen Mendiola sa asawa ng biktima upang ipaabot ang pakikiramay ng Embahada at tiniyak ang buong suporta at tulong ng gobyerno ng Pilipinas.

Nakikiisa rin ang Embahada sa buong Filipino community sa Holy Land sa pananalangin para sa kapayapaan ng kaluluwa ng nasawing Pinay caregiver at para sa kalakasan ng kanyang naulilang pamilya sa gitna ng matinding pagdadalamhati.