Nag-abiso ang Philippine Embassy sa Israel sa mga Pilipino na maging maingat at mapagmatiyag dahil sa nagpapatuloy na panibagong tensyon sa Gaza Strip.
Pinag-iingat ang mga OFW na naniniraghan sa loob ng Gaza Envelope at sa southern part ng Israel na sundin ang mga panuntunan na ibinigay ng Home Front Command kabilang dito ang pagbabawal ng anumang educational activities.
Gayunman pinapahintulutan pa rin ang mga work activities sa loob ng isang standard protected space malapit sa isang bomb shelter. Pinapayagan naman ang small gathering ng hanggang 10 katao sa outdoor spaces at hanggang 50 katao naman sa indoor spaces.
Inaabisuhan din ang mga Pinoy na iwasan muna o i-postpone ang pagbiyahe sa mga sensitibong lugar gaya ng Golan Heights malapit sa border ng Lebanon at border ng Gaza.
Nagpaalala din ang embahada na kapag nakarinig ng gunshots o naka-witness ng anumang komosyon o karahasan , pinapayuhan na magtago at agad na lisanin ang lugar at huwag ng kukuha ng video o litrato o makiusyoso sa nagaganap na kaguluhan upang maiwasang malagay sa peligro ang buhay.
Inaabisuhan ang mga Pilipino na maaaring tawagan ang Philippine Embassy sa Israel sa kanilang hotline number +972544661188 in case of emergency.
Una rito, umalingawngaw ang rocket sirens sa southern at central Israel matapos na gumanti ng rocket strike ang Palestinian militants sa Gaza bilang ganti sa airstrikes ng Israel na nagresulta sa pagkasawi ng 10 katao.