In-activate na ng Embahada ng Pilipinas sa Tel-Aviv, Israel ang kanilang crisis management team para agad na marespondehan at malaman ang sitwasyon ng mga Pilipino doon sa gitna ng nagpapatuloy na palitan ng pag-atake sa pagitan ng Israel at Iran.
Personal na tinututukan ni Philippine Ambassador to Israel Aileen Mendiola ang mga pagsisikap para ma-monitor ang sitwasyon sa ground, at nakikipag-ugnayan na rin sa mga awtoridad sa Israel at Pilipinas para matiyak ang napapanahong pagpapalabas ng mga abiso at mabigyan ng suporta ang mga nangangailangang mga Pilipino doon.
Sa isang panayam sa envoy ngayong araw, sinabi niyang patuloy ang pag-intercept ng Israel sa mga retaliatory missile strikes ng Iran.
Ibinahagi ng Ambassador na nitong Biyernes lamang nasa 12 beses na tumunog ang warning sirens sa Tel Aviv.
Samantala, nananatili namang prayoridad ng embahada ang kaligtasan at kapakanan ng mga Pilipino sa Israel kayat patuloy pa rin na hinihimok ng embahada ang mga Filipino community na sundin ang security guidelines ng Israel Defense Force Home Front Command maging ang safety advisories mula sa Embahada.
Nauna naman ng iniulat ng Department of Foreign Affairs (DFA) na walang mga Pilipino ang nasugatan mula nang magpalitan ng air strikes ang Israel at Iran.
Sa kasalukuyan, mayroon pa ring 30,743 Pilipino ang nasa Israel habang nasa 1,180 naman ang nasa Iran kung saan karamihan sa kanila ay ikinasal sa Iranian nationals.