-- Advertisements --

Nakatakdang makipag-usap ang United Kingdom at European Union sa Iran sa Geneva, Switzerland ngayong Biyernes, Hunyo 20.

Ito ay parte ng ginagawang pagsisikap upang mawaksan na ang tensiyon sa Middle East partikular na ang nagpapatuloy na palitan ng pag-atake sa pagitan ng Iran at Israel.

Kasunod na rin ito ng inilatag na dalawang linggong palugit o ultimatum ni US President Donald Trump para magpasya kung sasama ang Amerika sa pag-atake sa Iran. Umaasa si Trump na magkakaroon pa ng tiyansa para sa diplomasiya sa conflict sa pagitan ng Israel at Iran.

Sa isasagawang pagpupulong sa Geneva ngayong araw, inaasahang bibigyang diin ni UK Secretary of State for Foreign and Commonwealth Affairs David Lammy ang matagal ng concern ng UK hinggil sa nuclear programme ng Iran at hihimukin ito na magkaroon ng diplomatic solution.

Determinado aniya sila na hindi kailanman magkaroon ng nuclear weapon ang Iran at mayroon aniyang tiyansa sa loob ng dalawang linggo para makamit ang diplomatic solution.

Maliban sa UK official, nakatakda ding dumalo sa pagpupulong ang foreign ministers ng France at Germany kasama ang kanilang Iranian counterpart na si Foreign Affairs Minister Abbas Araghchi at EU Vice President Kaja Kallas.