Pumalo na sa 88 Pilipino sa Israel ang nawalan ng tirahan kasunod ng pinakawalang missile strikes ng Iran.
Base sa monitoring ng Philippine Embassy sa Tel Aviv sa ikawalong araw ng Operation Rising Lion nitong Hunyo 20, kasalukuyang tumutuloy ang mga na-displace na Pilipino sa temporary accommodations kabilang ang isang sanggol na kakasilang lamang noong Hunyo 10.
Nananatili naman sa kritikal na kondisyon ang isang Pinay worker na nagtamo ng matindi at life-threatening injuries.
Sumailalim na ito sa major pulmonary surgery sa Shamir Medical Center na isa sa pinaka-advance na ospital sa Israel.
Sa ngayon, nananatili ang nasugatang Pinay sa ICU at kailangang muling sumailalim sa panibagong surgery sa oras na maging stable na ang kaniyang kalagayan.
Ang isa naman na nagtamo ng moderate to serious injuries ay sumailalim na rin sa surgery at na-discharge na kasama ang anim na iba pang Pilipino na nasugatan sa pagtama ng missile strikes ng Iran.
Samantala, umabot na rin sa 191 Pilipino ang inisyal na humiling ng repatriation subalit tanging nasa 26 lamang ang nagkumpirma at kasalukuyan ng prinoproseso.
Nabigyan naman na ng embahada ng kaukulang tulong ang nasa 303 Pilipino gaya ng emergency financial assistance, temporary shelter, relief packages na naglalaman ng mga pagkain, damit at hygiene products.
Matatandaan, nitong Biyernes, June 20 itinaas na sa Alert Level 3 ang sitwasyon sa Israel maging sa Iran kung saan ang mga Pilipino doon ay hinihimok na mag-boluntaryong umuwi sa bansa.