Nakiisa na rin ang China sa nananawagan para sa paghupa ng labanan sa pagitan ng Israel at Iran para mapigilan ang spillover ng giyera sa gitna ng pagpapatuloy nito sa ikalabing-isang araw.
Ayon kay Foreign ministry spokesman Guo Jiakun, hinihimok ng panig ng China ang mga partidong sangkot sa naturang labanan na pigilang lumala pa ang sitwasyon, determinadong iwasan ang spillover ng digmaan, at manumbalik sa political resolution.
Inihayag din ng China na dapat gumawa ng paraan ang international community para mapigilan ang giyera sa pagitan ng Israel at Iran mula sa mas malaking impact o epekto nito sa pandaigdigang ekonomiya.
Iginiit din nito na ang Persian Gulf at nakapaligid na katubigan dito ay nagsisilbing mahalagang ruta ng pandaigdigang kalakalan.
Saad pa ng Chinese foreign ministry na ang pagpapanatili ng seguridad at katatagan sa rehiyon ay common interests ng international community.
Ginawa ng Chinese foreign minister ang pahayag matapos hikayatin ni US Secretary of State Marco Rubio ang higanteng bansa na tumulong sa pagpigil sa Iran mula sa pagpapasara ng Strait of Hormuz, na isang mahalagang ruta ng kalakalan kasunod ng US strikes sa 3 nuclear sites ng Iran.