-- Advertisements --

Hinimok ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang mga bagong promote na AFP Generals na patuloy na mamuno nang may integridad at panatilihing marangal ang pangalan ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas.

Ginawa ng Pangulo ang pahayag sa oath-taking ceremony ng 37 newly promoted AFP Generals kaninang umaga sa Palasyo ng Malakanyang.

Muling pinagtibay din ng Pangulo ang pagpapatuloy ng matatag na pamumuno at malinaw na layunin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) upang manatiling handa, kapani-paniwala, at tapat sa paglilingkod sa bayan.

Kasabay ng paglagda sa 2026 National Budget, tiniyak ng Pangulo ang patuloy na suporta ng gobyerno sa kapakanan ng mga sundalo, kabilang ang pagtaas ng base pay at subsistence allowance ng mga military at uniformed personnel.

Pinaalalahanan din ng Pangulo ang mga bagong promote na opisyal na magsilbing custodian sa mga public resources ngayong kaakibat nila ang mataas na responsibilidad.

Binigyang-diin naman ng Pangulo na kaakibat ng mas mataas na ranggo ang mas mabigat na responsibilidad, lalo na sa panahon ng tumitinding banta sa seguridad at tensyong geopolitikal. 

Aniya, ang tunay na lider ay nasusukat hindi sa ranggo kundi sa asal at halimbawa.

Ipinagmalaki rin ng Pangulo ang mga nagawa o accomplishments ng AFP noong nakaraang taon, kabilang ang modernisasyon, pagtulong sa panahon ng kalamidad, pagbabantay sa karagatan, at pakikilahok sa mga joint military exercises sa ibang bansa.

Nagpasalamat din ang Pangulo sa mga pamilya ng mga sundalo, na aniya’y nagsisilbing tahimik na haligi ng lakas ng bawat kawal.