Naniniwala si dating Ilocos Sur governor Luis “Chavit” Singson na mapapatalsik si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kaugnay ng umano’y maanomaliyang flood control projects ng pamahalaan.
Sa isang press conference sa San Juan City, sinabi ni Singson na nananalig siya sa Diyos at sa mga himala at kumpiyansang may mangyayaring pagbabago.
Inilahad din niya ang sinasabing mga ebidensya at testimonya kaugnay ng administrasyon ni Pangulong Marcos at ng kanyang ama.
Binigyang diin din ni Singson na mahalagang testigo umano ang government contractor na si Sarah Discaya, na aniya’y umamin sa pamamahagi ng kickbacks, gayundin si dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co, na mabilis umanong kinasuhan.
Iginiit din niya na ang retiradong Marine na si Orly Guteza ay itinatago umano ni Martin Romualdez.
Dagdag pa ni Singson, pinili niyang ilabas ang rebelasyon ngayong buwan dahil sa simbolikong kahulugan ng bilang na 40, at tinawag ang isyu bilang isang “Grand Conspiracy” o malaking sabwatan laban sa publiko.
















