-- Advertisements --

Tinukoy ni Senate President Vicente Sotto III ang Department of Budget and Management (DBM) files na mas mahalaga umano kesa sa tinaguriang “Cabral files.”

Sa isang virtual press conference, sinabi ng Senador na napakamot siya ng ulo dahil sa Cabral files na inilarawan niya bilang isa lamang listahan na maaaring mahanap sa tabi-tabi, taliwas sa lumalabas na sobrang mahalaga ito.

Aniya, ang tunay na katanungan ay kung mayroon bang Special Allotment Release Order (SARO) at kung anong items sa Cabral list ang mayroong SARO. Tanong din ng Senate President kung ilan ang mayroong Notice of Cash Allotment upang malaman kung ano ang aktwal na inilabas na halaga.

Subalit iginiit ni Sen. Sotto na higit na mahalaga kesa sa Cabral files ay ang DBM files.

Aniya, maaaring maglista ng mga pangalan at mga proyekto kung gugustuhin subalit marami aniyang mga proyekto ang isinusumite kada taon.

Kayat ang tanong aniya ay kung alin sa mga ito ang na-execute, sino ang proponent, sino ang nag-endorso o nagsulong. Ito aniya ang mahalaga at hindi lamang paglilista ng files.

Nang matanong naman kung dapat bang imbestigahan ng Senate Blue Ribbon Committee ang naturang files, sinabi ni Sotto na hindi na dapat pang pagaksayahan ito ng panahon at dapat na pagtuunan ng panahon at atensiyon ay kung alin sa mga item sa Cabral files ang aktwal na nai-release.

Matatandaan, narekober ang naturang files mula sa pumanaw na si dating DPWH USec. Catalina Cabral, na umano’y naglalaman ng budget data mula sa DPWH, listahan umano ng mga proyekto at alokasyon sa bawat distrito sa pagitan ng 2023 at 2026.