-- Advertisements --

Mariing kinokondena ng National Press Club (NPC) at ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) ang karahasan at pananakit na sinapit ng ilang mamamahayag sa kasagsagan ng isinagawang anti-korapsyon na rally kahapon.

Ayon kay NPC President Leonel Abasola, ang anumang uri ng pag-atake sa mga miyembro ng media ay isang malinaw na paglabag sa kalayaan sa pamamahayag at isang direktang banta sa ating demokrasya.

Idinagdag pa niya na ang ganitong mga insidente ay nagsisilbing balakid sa patuloy na pagsusumikap ng mga mamamahayag na panagutin ang mga indibidwal na sangkot sa mga katiwalian, partikular na ang mga sangkot sa bilyon-bilyong pisong halaga ng mga ghost projects at substandard flood control projects na nagpapahirap sa maraming Pilipino.

Dagdag pa ni Abasola, sa kabila ng pagkakaiba-iba ng ating mga pananaw sa politika, dapat manatiling nagkakaisa ang lahat ng mga Pilipino sa pagtataguyod ng isang magandang kinabukasan para sa ating bansa.

Hinimok niya ang lahat na igalang ang papel ng media sa pagbibigay ng impormasyon at pagbabantay sa mga nangyayari sa ating pamahalaan at lipunan.

Sa kabilang banda, sinabi naman ni PTFoMS Executive Director Joe Torres na ang insidenteng ito ay nagpapatunay sa pangangailangan na unahin at pag-ibayuhin ang kaligtasan ng mga mamamahayag sa lahat ng oras.

Binigyang-diin niya na ang kaligtasan ng mga mamamahayag ay mahalaga para matiyak ang wasto at walang kinikilingang pagbibigay-impormasyon sa publiko.