-- Advertisements --

Nagpasya ang Appeals Chamber ng International Criminal Court na idaan lamang sa written submissions ang apela ni dating Pangulong Rodrigo Duterte laban sa kanyang detention.

Sa kautusang may petsang Enero 29, 2026, inatasan ang kampo ni Duterte na magsumite ng appeal brief na hindi hihigit sa 20 pahina hanggang Pebrero 5, 2026. Pinayagan din ang Deputy Prosecutor at Legal Representatives of the Victims na magsumite ng kanilang mga tugon hanggang Pebrero 12, 2026.

Ang hakbang ay kaugnay ng pagkuwestiyon ni Duterte sa naunang desisyon ng Pre-Trial Chamber na panatilihin ang kanyang detention. Inaresto si Duterte noong Marso 11 pagdating niya mula Hong Kong, kaugnay ng imbestigasyon ng ICC sa kanyang war on drugs. Dinala siya sa The Hague sa Netherlands sa parehong araw at humarap sa mga hukom sa pamamagitan ng video link noong Marso 14.

Nauna nang tinanggihan ng Pre-Trial Chamber ang hiling ng kampo ni Duterte para sa pansamantalang paglaya, habang ipinagpaliban naman sa ibang petsa ang confirmation of charges hearing na nakatakda sana noong Setyembre. (report by Bombo Jai)