Hindi natatakot ang prosecution panel na i-cross examine ang chief security officer ng OVP na si Col. Dante Lachica sakaling ipapatawag ito ng defense panel.
Ayon kay Prosecution Legal Spokesperson Atty. Benjamin Tolosa, hindi pa nagdedesisyon ang kanilang panig kung tatawagin bilang hostile witness si Lachica.
Aniya, kailangang timbangin muna kung kinakailangan talaga ang testimonya ni Lachica upang mapatunayan ang mahahalagang ebidensya.
May panganib din umano na hindi magsabi ng katotohanan si Lachica dahil maaari siyang magkaroon ng pananagutang kriminal.
Sinabi ni Tolosa na sapat na ang ibang testimonya at dokumento na naiharap, kabilang ang mga pahayag ni Gina Acosta sa mga pagdinig ng House of Representatives at mga obserbasyon ng COA auditors.
Binigyang-diin niya na kung tatawagin man si Lachica ng defense panel, handa silang i-cross-examine ito.
Sa ngayon, estratehiya pa rin ang pinag-uusapan at gagawa sila ng pinal na desisyon matapos maiharap ang iba pang mga testigo.










