-- Advertisements --

Umabot na sa halos 800 katao ang kumpirmadong nasawi habang libu-libo pa ang nananatiling nawawala matapos ang malagim na pagbaha at pagguho ng lupa sa hangganan ng Nepal at Tsina.

Nag-ugat ang malagim na trahedya sa pagguho ng isang malaking glacier sa kabundukan ng Himalayas noong Miyerkules na nagpakawala ng napakalakas na agos ng bato, yelo, at putik sa mga ilog ng Trishuli at Bhotekoshi.

Nasa higit 3,000 katao ang kabuuang bilang ng mga nawawala sa Nepal at sa rehiyon ng Tibet sa China, kung saan ang ilang bangkay ay natangay na patungo sa karatig-bansa na India.

Kabilang sa mga patuloy na hinahanap sa kasalukuyan ang mahigit 900 na manggagawa mula sa 11 hydropower projects sa Nepal na natabunan ng makapal na putik at mga labi.

Naglunsad na ng malawakang rescue operations ang pamahalaan ng Nepal gamit ang humigit-kumulang 19,000 security personnel at 16 na helikopter upang mahanap ang mga biktima sa kabila ng masungit na panahon.

Nagpadala na rin ng tulong at mga ekspertong koponan ang India at Tsina, habang nag-abot na rin ng milyun-milyong dolyar na humanitarian aid ang United Nations at iba’t ibang mga bansa.

Tinatayang lumampas na sa $4 bilyon ang kabuuang pinsala sa imprastraktura ng nasabing kalamidad habang patuloy pa rin ang banta ng panibagong pagbaha sa hilagang bahagi ng Nepal.